PatrolPH

Chief of police ng San Miguel, Bulacan patay sa engkwentro; P1.2M pabuya alok sa makakapagbigay impormasyon

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2023 02:37 PM | Updated as of Mar 26 2023 04:51 PM

Crime scene kung saan nabaril ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station. ABS-CBN News
Crime scene kung saan nabaril ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station. ABS-CBN News

Patay ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station ng Bulacan na si PLt. Col. Marlon Serna matapos maka engkwentro ang mga hindi pa kilalang salarin sa nirespondehang robbery holdup nitong Sabado ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 9:30 p.m. ng Marso 25, nakatanggap ng ulat ang San Miguel police station hinggil sa umano'y nakawan na nangyari sa Brgy. San Juan, San Miguel, Bulacan.

Agad na tumungo sa pinangyarihan ang mga tauhan ng San Miguel MPS sa pangunguna ni Serna para i-verify at magsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga responsable.

"Pinalabas po lahat ni hepe 'yung kanilang mga mobility assets at siya rin po ay sumama rin sa pursuit operations gamit ang kanyang sariling sasakyan. Mga bandang 10:30 ay natyempuhan at nasalubong po nila itong possible suspek dahil nakita nila 'yung kanyang backride ay duguan... May info na sila na 'yung suspek ay nataga nung asawa ng biktima," ani PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo. 

"Nang kanilang harangin na po at nakasalubong nila itong mga suspects ay pinutukan agad sila, at tinamaan nga po 'yung ating hepe na nagresulta sa kanyang pagkamatay." 
 
Kaagad na isinugod sa Emmanuel Hospital si Serna pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

"Sa ulo po yung kanyang tama samantalang 'yung kanyang driver naman ay may tama sa paa naman," ani Fajardo.

Tumakas ang mga salarin patungo sa Brgy. Akle, San Ildefonso, Bulacan.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang pursuit operations ng PNP kung saan tutulong na ang lahat ng operating unit ng Police Regional Office 3 para mahuli ang mga suspek.

Nangako ang PNP na gagawin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng hepe ng San Miguel MPS sa Bulacan.

"Sa lahat ng maaring may impormasyon sa posibleng kinaroroonan ng mga suspects, makipagtulungan po kayo sa pambansang pulisya. At sa mga suspek, sumuko na po kayo dahil buong pwersa ng PNP ang hahabol sa inyo," ani Fajardo.

Samantala, umabot na sa P1.2M na ang inia-alok na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin sa pagpatay kay Serna.

Ito ay kinumpirma ni Police Regional Office 3, Director, PBGen. Jose Hidalgo Jr.

"As of 12 noon, kinumpirma ng PNP na umakyat na sa P1.2M ang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspects sa pagpatay sa hepe ng San Miguel Bulacan. P500k ang mula sa DILG, P300k ang mula sa PRO3, P200k mula kay Chief PNP Azurin at karagdagang P200k mula kay Bulacan Gov Dan Fernando," ayon kay Hidalgo.

— Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.