PatrolPH

Grand proclamation rally ng 'Bagong Legazpi' , dinumog

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2022 04:54 PM

Dinagsa ang grand proclamation rally ng slate na
Dinagsa ang grand proclamation rally ng slate na "Bagong Legazpi" ni mayoral candidate Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa Legazpi City. Jose Carretero

LEGAZPI CITY - Naging makulay ang grand proclamation rally ng slate na "Bagong Legazpi" ni mayoral candidate Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin sa siyudad na ito. 

Sa Peñaranda Park ginanap ang proclamation rally kung saan inilahad ng mga kandidato ang mga plataporma sa siyudad. 

Ayon kay Garbin, isa sa mga tutukan niya sakaling mahalal bilang alkalde ng siyudad ang programa sa trabaho, imprastraktura, edukasyon , kalusugan at turismo. May isa pang termino si Garbin pero pinili na tumakbo bilang mayor ng Legazpi.

Bibigyang-prayoridad niya rin ang matagal nang problema sa tubig ng Legazpi, maging ang mahal na singil sa kuryente.

Nagpasaring din si Garbin sa umano'y mga "ghost employees" ng Legazpi City hall, na pinamumunuan ni Noel Rosal, na re-electionist sa pagkaalkalde. 

Bukod sa grupo ni Garbin, kasama din sa grand rally ang grupo ni Albay incumbent governor Al Francis Bichara, at ang ka-tandem na si Vice Governor Grex Lagman.

Tututukan daw ng grupo ang pagpapababa ng buwis sa Legazpi para mas maraming makumbinsi na magnegosyo sa siyudad. 

Nagpasaring din si Bichara sa problema umano sa maruming tubig ng Legazpi at ang kinukulektang septage fee.

Sinabi din ni Bichara na hindi masolusyunan ni Rosal ang problema sa Legazpi, magbibigay pa ito ng problema sa probinsya. 

Makakalaban ni Bichara si incumbent Legazpi Mayor Noel Rosal sa pagka-gobernador ng Albay. Kabilang din sa mga dumalo sa grand proclamation rally ng grupo ang LGBT community.

Ayon sa presidente ng Polangui’s pride na si Jeffrey Esguerra, nais nilang maipagpatuloy ng mga mananalong lokal na opisyal ang mga programa para sa LGBTQ lalo na ang pagbibigay ng patas na karapatan at proteksyon sa kanila. Marami ang dumalo sa proclamation rally na napuno ng kantahan at sayawan.

Dumalo din ang aktor na si Paolo Contis na iniindorso ang Ako Bicol Partylist, na kasama din sa grand proclamation rally. 

Bukod kay Contis, nasa entablado rin ang bandang The Itchyworms na nagbigay ng performance. 

-- Ulat ni Jose Carretero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.