MALAY, Aklan — Lalo pang sumadsad ang tourist arrivals sa isla ng Boracay matapos ipatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa COVID-19 ang "NCR Plus Bubble" kung saan nilimitahan ang galaw ng mga taga-Metro Manila at mga karatig-probinsya.
Sa datos ng Malay Tourism Office noong Huwebes, umabot lamang sa 46 ang tourist arrivals sa isla ng Boracay.
Matatandaan na naitala ang pinakamataas na tourist arrivals noong Marso 19 lang, kung saan umabot sa 1,056 ang lumapag na turista.
Kinabukasan, Marso 20, ipinatupad ang NCR plus bubble.
Target sana ng Malay Tourism Office ang nasa 20,000 na tourist arrivals ngayong Marso lalo na't inaasahan ang bugso ng turista dahil sa Semana Santa.
Dahil sa pagbaksak ng numero ng mga turistang bumibisita, imposible nang maabot ang target nila, ayon sa lokal na pamahalaan ng Malay.
Ayon kay Malay Mayor Floribal Bautista, umaaray na rin ang mga hotel and resort owners dahil sa paghina ng kanilang kita.
Hinihikayat sa ngayon ng Municipal Tourism Office ng Malay ang mga taga-Western Visayas at mga karatig-probinsiya na hindi sakop ng NCR Plus Bubble na bisitahin ang Boracay ngayong Holy Week.
—Ulat ni Rolen Escaniel
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, turismo, Tourism, Malay, Aklan, Boracay, NCR plus bubble, Malay Mayor Floribal Bautista