Samahan ng mga doktor may apela sa gitna ng COVID-19 crisis

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kasunod ng pagpanaw ng ilang mga doktor bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), may panawagan ang Philippine Medical Association (PMA) sa publiko at gobyerno. 

Pinapurihan ng medical community at iba pang sektor si Dr. Sally Gatchalian, pangulo ng Philippine Pediatrics Association, at isa sa mga pinakabagong doktor na nasawi matapos makipaglaban sa COVID-19. 

Isa si Gatchalian sa magigiting na doktor na lumaban sa sakit habang isinasagawa ang tungkulin na iligtas ang buhay ng iba. 

Labis na ikinalungkot ng PMA ang sinapit ng ilang mga doktor sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

"Napakasakit po sa amin na makita ang aming mga miyembro na tinatawag nating fallen heroes. Merong mga batang doktor na nagte-training para maging dalubhasa. Sabi nga nila nag-aral kami nang matagal at ginugol ang aming mga oras pero mawawala lang sa isang scenario na ganito," ani Dr. Benny Atienza, vice president ng PMA. 

Dagdag ni Benitez, higit na kailangan ng mga healthcare worker ngayon ang ayuda at proteksyon. 

Nilinaw din ni Atienza na ang lumabas na listahan ng mga doktor na nasawi umano sa COVID-19 ay hindi opsiyal at nanawagan na huwag ilabas ang kanilang mga pangalan. 

Kasabay nito, nanawagan din ang PMA sa publiko na magsabi nang totoo sa mga doktor dahil maaaring ito ang makasalba hindi lang sa kanilang buhay kundi maging sa mga health worker. 

"Marami po kaming mga doktor na nahahawa. Isa po yun sa sanhi ng pagkakaroon [ng COVID-19]. Panawagan din namin sa DOH na ang mga frontliners sana ay ma-test din," ani Atienza. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.