Rep. LRay Villafuerte, sinimulan na ang 14 araw na self-quarantine

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 05:55 PM | Updated as of Mar 26 2020 11:47 PM

Sinimulan na ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang kaniyang 14 araw na self-quarantine matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si ACT-CIS Rep. Eric Yap.

Isa si Villafuerte sa mga nakatabi at nakasama ni Yap noong mga nakaraang araw. Nitong Miyerkoles, inanunsyo ni Yap na nagpositibo siya sa COVID-19.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Rep. Villafuerte, bukod sa Batasang Pambansa, nakasama niya pa si Yap sa Malacañang.

Pero, dinepensahan nito ang kapwa kongresista.

“Unang-una kong naisip talaga eh syempre dapat kahit tumabi siya sa akin, tinext ko siya dapat magpagaling siya. Kasama ko siya sa Kongreso, hindi naman niya ginawang intensiyon na nagtrabaho siya," ani Villafuerte.

Sa kabila nito, sinabi ni Villafuerte na dapat seryosohin na ng lahat ang self-quarantine, lalo na kung makaramdam na ng sintomas.

“Sabi ko nga, lahat ng may symptoms, magpa-test dapat magpa-quarantine na," aniya.

Ngayong araw ang simula ng 14 araw na self-quarantine ni Villafuerte. Aniya, asymptomatic naman siya, o walang nararamdaman na sintomas ng COVID-19.

“Wala naman akong symptoms, wala naman akong ubo lagnat, wala naman akong sore throat, minabuti ko na mag-self quarantine sa bahay 14 days," ani Villafuerte.

Kahit nagkaroon ng exposure sa isang may COVID-19, ayon kay Villafuerte, hindi siya magpapa-test. Bukod kasi sa walang sintomas, mas marami daw ang nangangailangan ng test kit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.