Pimentel balak ipa-disbar dahil sa umano'y paglabag sa COVID-19 quarantine protocol

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 05:42 PM | Updated as of Mar 26 2020 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inihahanda na ng isang grupo ng mga abogado ang pagsasampa ng kaso laban kay Sen. Aquilino Pimentel III matapos nitong ilantad sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang ilang taga-Makati Medical Center (MMC).

Miyerkoles nang ianunsiyo ni Pimentel na may COVID-19 siya, pero natuklasan na noong Martes ng gabi habang naghihintay ng resulta sa test ay sinamahan nito ang manganganak na misis sa MMC.

Kinondena ng marami ang ginawang pagsuway ni Pimentel sa quarantine protocol, lalo't isa na siyang person under monitoring noon at dapat ay naka-isolate na lang.

Sabi ni Rico Quicho, may kasama siyang 9 iba pang abogado para sa "test case" na isasampa nila kay Pimentel dahil umano sa paglabag sa batas ukol sa "mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern."

"He is not only an ordinary citizen. He is a senator of the republic. As a lawmaker, he should not be a lawbreaker," ani Quicho.

Ayon pa kay Quicho, itutulak din nila ang pagpapa-disbar sa senador lalo't bilang abogado ay dapat alam nitong sumunod sa batas.

Miyerkoles ng gabi nang maglabas ng pahayag si MMC Medical Director Saturnino Javier at sabihing iresponsable ang ginawa ni Pimentel dahil na-expose ang kanilang mga tauhan sa virus.

"We denounce the irresponsible and reckless action of the senator. He added to the burden of a hospital trying to respond in its most competent and aggressive manner to cope with the daunting challenges of this COVID-19 outbreak," ani Javier.

Nitong Huwebes naman, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na sumasang-ayon sila sa pahayag ng MMC na nagkaroon ng breach of protocol sa ginawa ni Pimentel.

"Gusto ko rin pong ihayag ang stand ng DOH ukol sa pagpunta ni Senator Pimentel sa Makati Medical Center kahit na siya'y isang PUM. Kami po ay sumasang-ayon na nagkaroon ng breach sa quarantine protocol at hindi dapat nangyari ito... Ganap tayong makikipagtulungan sa mga aksyon na tatahakin ng mga agencies na ito," sabi ni Duque.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Pimentel sa MMC at handa daw siyang makipag-areglo sa mga ito, matapos lang manganak ang kaniyang misis na naka-admit ngayon sa naturang ospital.

"I would like to sincerely and profoundly apologize for this very unfortunate incident. I never intended to do any harm to anyone... Please tell me how I can make it up to you," aniya.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Office of the Ombudsman kung dapat ba silang magsagawa ng motu proprio investigation ukol sa kinasasangkutan ni Pimentel.

"Will discuss today with other Ombudsman officials," ani Ombudsman Samuel Martires.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.