Para malibang, maturuan: Ina may pakulong 'home quarantine' store para sa mga anak

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 10:36 AM | Updated as of Mar 26 2020 05:17 PM

May pakulo ang isang ina sa Davao Del Norte para malibang ang kaniyang mga anak habang naka-community quarantine ang buong Davao region. Photo Courtesy: Hycinth Q. Clor de Arta

DAVAO DEL NORTE - Para maturuan at malibang ang kaniyang mga anak, naisip ng isang Bayan Patroller na gumawa ng "mini-store" sa loob ng kaniyang bahay ngayong may community quarantine na ipinapatupad sa Davao del Norte. 

Sa mga kuha ni Bayan Patroller Hycinth Q. Clor de Arta, makikita ang isang "mini store" sa loob ng kanilang bahay. 

Dito, maaaring bumili gamit ng play money ang kaniyang mga anakpero kailangan nilang "kumita" sa mga gawaing bahay. 

Halimbawa sa mga ito ang paggawa ng gawaing bahay gaya ng pagwawalis sa sala at kusina, paghuhugas ng pinggan, at pagbabantay sa bunso nilang kapatid.

Sinasanay ni de Arta ang kaniyang mga anak sa mga protocol na inilatag kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) gaya ng pagpapatupad sa physical distancing habang nakapila, paggamit ng hand sanitizer at "no mask, no transaction." 

Kasalukuyang naka-lockdown ang buong Davao Region dala ng banta sa sakit na COVID-19. 

Sa ngayon, may 636 kaso ng COVID-19 sa buong bansa; 38 ang patay habang 26 ang gumaling na. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.