‘Pantawid ng Pag-Ibig’: Grocery packs, vitamins handog sa mga residente ng Pateros

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 07:00 PM | Updated as of Mar 27 2020 12:04 AM

Kasama ang mga taga-Pateros sa inabutan ng tulong sa bisa ng kampanyang “Pantawid ng Pag-Ibig” ng ABS-CBN. ABS-CBN News

MAYNILA - Dahil sa tigil-pasadang nakapaloob sa enhanced community quarantine, hindi alam ng tricycle driver na si Pijay Ison kung saan makakakuha ng pera para sa pangunahing bilihin gaya ng gatas ng anak. 

Ngayong walang pagkakakitaan, pinagkakasya niya ang panghulog sa motor. 

"Kahit paano po may natabi iyong panghulog sa motor, sa totoo lang po may 5-6 naka-hold po muna atsaka nakakaintindi naman po sila na huwag po muna ituloy ang hulog," ayon kay Ison. 

Bukod kay Ison, apektado rin ang mga balut vendor sa Pateros na humango sa balutan ni Monette Capco sa pagtigil ng kanilang operasyon ngayong bawal muna silang magbenta. 

"Malaki talaga ang naging effect. Dahil dito sa coronavirus walang mayaman at mahirap, walang pinipili so lahat nangangailangan ng relief goods," ayon kay Capco. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pateros, isa pa lang ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lugar. 

Kasama ang mga taga-Pateros sa inabutan ng tulong — sa bisa ng kampanyang "Pantawid ng Pag-Ibig" ng ABS-CBN. 

Sa bisa ng kampanya, nakapagdala ng mahigit 200 kahon ng grocery packs na may mga biskwit ng Rebisco, Lucky Me Instant Noodles, Poten-Cee Vitamins, Tolak Angin, Mega Sardines, at mga kape ng Universal Robina Corporation sa mga residente. 

Para kina Ison, malaking bagay ang pagtanggap ng mga nasabing relief goods ngayong hirap silang pagkasyahin ang kanilang budget. 

"Malaking bagay po tong binibigay sa amin, pantawid sa araw-araw. Sabihin na po natin na kaya umabot sa kulang kulang isang linggo po.Maraming maraming salamat po," ani Ison. 

Nagpasalamat din si Pateros Mayor Miguel Ponce III sa tulong na iniabot ng ABS-CBN. 

"Ako ay nagpapasalamat dahil kung wala kayo ay hindi talaga naming kakayanin ito, dahil hindi natin alam kung hanggang kailan ang laban. Ako ay sumasaludo sa tulong na binibigay. Mabuhay kayong lahat," ani Ponce. 

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Foods Inc.
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Sakaling interesadong magpaabot ng tulong pinansiyal, maaari itong iabot sa mga sumusunod na bank account number: 

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.