P2 bilyon dagdag-pondo ilalaan para sa ayuda sa mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 05:30 PM | Updated as of Mar 26 2020 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Makatatanggap na dagdag na P2 bilyon pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para magamit sa pagbibigay ng ayuda sa mga manggagawang apektado ng lockdown, na ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Naglabas na ng P100 milyon ang DOLE para sa ayuda sa mga manggagawa pero madadagdagan pa ito ng P2 bilyon sa Abril 1.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, nabigyan ng dagdag-pondo ang DOLE kasunod ng pagkakalagda sa Bayanihan Act.

May 2 proyekto ang ahensiya para sa mga manggagawa -- ang COVID-19 Adjustment Measure Program kung saan makatatanggap ng P5,000 ang mga nasa pribadong sektor, at sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displace/ Underprivileged Workers (TUPAD) para sa mga informal worker.

Umabot na sa 4,076 establisimyento at kompanya sa bansa ang dumulog sa DOLE para magamit ang cash assistance program. Katumbas ito ng 161,769 manggagawa sakaling lahat ay pumasa sa pagsala ng ahensiya.

NO WORK, NO PAY SUSPENDEHIN

Nanawagan naman ang labor advocacy group na Defend Job Philippines sa DOLE na suspendehin muna ang "no work, no pay" policy para sumahod pa rin ang mga manggagawang hindi nakapapasok ngayong quarantine period.

Pero ayon sa DOLE, kailangan ito ng pag-amyenda sa batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.