Mga nakatenggang barko, ipinanukalang pansamantalang gamitin bilang ospital sa gitna ng COVID-19 outbreak

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 09:07 PM

MAYNILA - Dahil nagkukulang na ang pasilidad ng mga ospital dahil sa patuloy na pagdami ng mga hinihilang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, ipinanukala ni Sen. Francis Tolentino na gamitin muna ng gobyerno ang mga nakatenggang barko rito bilang pansamantalang ospital.

Sa kaniyang sulat kay Transportation Sec. Arthur Tugade, sinabi ni Tolentino na maaaring gamiting legal na basehan ng gobyerno ang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act para pansamantalang gawing ospital o lagayan ng gamit pang-medisina ang tatlong pangkomersyong barko na nakatengga lang ngayon sa mga pantalan at ilagay sa Port of Manila, Cebu port at Davao port.

Ang naturang batas ay nagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno na gamitin ang transportation systems sa gitna ng umiiral na national emergency.

Ani Tolentino, bawat barko ay may kapasidad na tumanggap ng hanggang 1,200 pasahero, na kapag nagkataon ay malaking kabawasan sa nagsisikip na ngayong mga ospital.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine upang pigilan ang pagkalat ng coronavirus, ipinatigil ang land, sea at air transport papunta at palabas ng Luzon hanggang Abril 12. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.