Mga maglalakad pauwi ng probinsiya di na palulusutin sa checkpoints: PNP

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 04:29 PM | Updated as of Mar 26 2020 07:27 PM

MAYNILA — Sinabi ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na hindi na palulusutin sa checkpoints ang mga nagbabalak na maglakad pauwi sa mga probinsiya sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Dahil kasi sa lockdown, suspendido ang mass transportation bilang pangontra sa pagkalat coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Pero sa mga nakalipas na linggo, maraming nauulat na naglalakad nang ilang araw para umuwi sa kani-kanilang probinsya. 

Sa kaniyang pag-iinspeksyon sa mga checkpoint sa Bacoor, Cavite nitong Huwebes, sinabi ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar na hindi na sila palulusutin ng mga pulis.

Ayon kay Eleazar, na siyang itinalagang commander ng Joint Task Force COVID Shield, mahihirapan lang ding makauwi ang mga ito sa gitna ng lockdown. 

Kaya payo ng heneral, manatili na lang sa kani-kanilang bahay. 

"Kung sakaling makalusot sa inyo, makalusot sa Laguna, sa Quezon, pagdating sa Bicol haharangin. Kawawa naman itong mga kababayan natin doon na haharangin, kaya dito pa lang, harangin niyo na, huwag nang palusutin," sabi ni Eleazar sa mga pulis. 

Nauna nang naiulat na ilang mga manggagawa ang naglakad na lang mula Metro Manila makarating lang sa mga karatig-lalawigan.

Karamihan sa kanila, nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng lockdown. 

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.