Makeshift hospital sa Mandaluyong para sa coronavirus PUIs, PUMs inihahanda na

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 06:44 PM

Magkakaroon ng 50-bed capacity ang makeshift ospital na planong ipatayo ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong. ABS-CBN News

MAYNILA - Para maibsan ang siksikan sa mga ospital sa Mandaluyong, naisip ng lokal na pamahalaan ng siyudad na magpatayo ng isang makeshift hospital para sa mga pasyenteng mino-monitor para sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nagsasagawa sa ngayon ng clearing operations ang lokal na pamahalaan para mapatayo ang quarantine facility, na kayang maglaan ng 50 kama para sa mga pasyente, ayon sa alkaldeng si Menchie Abalos. 

Lalagyan ito ng malaking tent at mga equipment gaya ng x-ray, ventilator, at mobile laboratory. 

Paliwanag ng lokal na pamahalaan, puno na ang Mandaluyong City Medical Center ng mga pasyenteng binabantayan dahil sa sintomas ng sakit, na ngayo’y may 707 kaso na sa Pilipinas. 

Naroon na rin sa intensive care unit at maternity ward ng nasabing ospital ang mga persons under investigation (PUI).

Sa huling tala ng lungsod, 92 ang kanilang persons under investigation habang 373 ang kanilang persons under monitoring. 

Naka-quarantine naman ang mga PUM sa kanilang mga tahanan. 

Plano ring i-convert sa isang quarantine facility ang bagong-gawang gusali ng Neptali Gonzales High School. 

May 56 classrooms ang gusali na lalagayan na lang ng mga folding bed ngayong mayroon itong kuryente at tubig. 

Maaaring dito papuntahin ang mga PUM at PUI na mayroong mild symptoms. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.