Lola patay sa sunog sa Palawan; lampara sinisilip na sanhi

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 01:38 PM

Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Narra

Patay ang isang 74 anyos na babae matapos masunog ang kaniyang kubo sa bayan ng Narra, Palawan noong gabi ng Miyerkoles.

Pasado alas-7 ng gabi nang maitawag sa mga tauhan ng lokal na Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog sa Sitio Mariwara, Barangay Princesa Urduja at nang makarating sa lugar ay naapula na rin ang apoy, ayon kay Senior Fire Officer 1 Annabel Medillen.

"Gumawa pa po kami ng coordination sa PNP (Philippine National Police), sa Philippine Marines para mapuntahan 'yong area considering na malayo, at the same time gabi na po 'yong tawag sa'min," ani Medillen, imbestigador ng lokal na BFP.

Sinubukan ng mga kapitbahay na apulahin ang apoy pero hindi na naisalba ang biktima, na mag-isang naninirahan sa kubo.

Ayon kay Medillen, posibleng nagmula ang sunog sa lamparang ginagamit ng biktima.

"Wala po kasing supply ng kuryente doon sa area," aniya.

-- Ulat ni Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.