Kongresistang may COVID-19 dumepensa sa pagdalo sa gov't meetings

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 02:09 PM | Updated as of Mar 26 2020 06:54 PM

Dumalo sa pulong sa Malacañang noong Marso 21 si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap kasama sina Camarines Sur 2nd District Rep. Lray Villafuerte, Senator Christopher Go, at House Speaker Alan Peter Cayetano. Retrato mula sa Facebook page ni Yap.

MAYNILA — Nagpaliwanag ang mambabatas na si Eric Go Yap sa mga nambabatikos sa kaniya kung bakit dumalo pa siya sa mga government meeting matapos magpa-test para sa coronavirus disease (COVID-19).

Si Yap ang kinatawan ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) party-list sa Kamara. 

Inanunsiyo ni Yap noong gabi ng Miyerkoles na mayroon siyang COVID-19, na nakapatay na ng 38 tao sa Pilipinas.

Ayon kay Yap, nagpa-test siya para sa COVID-19 noong Marso 15 matapos makasalamuha ang mga taong nagpositibo sa sakit. Matapos magpa-test, dumalo ang kongresista sa pulong sa Malacañang noong Marso 21 at special session sa Kamara noong Lunes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa panayam ng ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Yap na hindi naman niya alam na positibo siya sa sakit nang dumalo sa mga pulong at wala rin naman daw siyang mga sintomas.

"Pumunta ako dahil wala akong symptoms na nararamdaman like dizzy o hirap sa paghinga," ani Yap.

Iginiit din niyang dumistansiya naman siya sa ibang opisyal ng gobyerno bilang pag-iingat nang makasama ang mga ito.

Ipinaliwanag din ni Yap kung bakit hindi siya nag-self-quarantine kahit pinaghihinalaan nang may COVID-19.

"Kunyari, paano 'pag nag-negative ako? Tapos ang dami kong hindi in-attend-an na trabaho. Sasabihin, 'Oh, kasi politiko, ganito?'" aniya.

Isa si Yap sa mga mambabatas na dumalo sa special session ng Kongreso sa Kamara noong Lunes. Tinalakay sa session ang pagbibigay ng special powers kay Pangulong Duterte para masugpo ang COVID-19. Contributed photo

Sa kabila nito, humingi ng paumanhin at pag-unawa si Yap sa mga maaaring na-expose sa virus.

Dahil sa pagpositibo ni Yap, magse-self-quarantine na rin ang ibang mambabatas at staff na dumalo sa special session sa Kamara, kung saan tinalakay ang pagbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para labanan ang COVID-19.

Kasama si Yap sa 21 kongresista at 10 staff na nasa Batasan Pambansa para sa session. Lumahok naman ang ibang mambabatas sa pamamagitan ng teleconferencing.

Posible naman daw kasuhan si Yap ng paglabag sa COVID-19 protocol ng Malacañang matapos dumalo sa meeting noong Marso 21.

Watch more in iWant or TFC.tv

"For whatever reason, he failed to disclose all the needed information," ani Presidential Security Group Commander Col. Jesus Durante.

"We might [file charges], depends on the outcome of the investigation," ani Durante.

Sa Pilipinas, umabot na sa 636 ang kabuuang bilang ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19.

Isinailalim sa enhanced community quarantine, kung saan mahigpit na pinapatupad ang pananatili sa loob ng mga bahay, ang buong Luzon para mapigilan ang pagkalat ang sakit. -- May ulat nina RG Cruz at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.