Gulay ng mga magsasaka sa Laguna town bibilhin, ipamamahagi ng LGU

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 03:45 PM | Updated as of Mar 26 2020 06:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bibilhin umano ng lokal na pamahalaan ng Famy, Laguna ang aning gulay ng kanilang mga magsasaka para isama sa relief goods na ipamimigay sa mga residente.

Ayon kay Aljon Ryan Chavez, municipal disaster risk reduction and management officer ng Famy, bigas at gulay na tanim mismo ng kanilang mga kababayan ang isasama nila sa mga pagkaing ipamamahagi sa mga residente.

Tulong na rin ito sa mga vegetable farmer sa Famy na hindi umano makabenta sa ibang bayan dahil sa mga umiiral na lockdown, na ipinatupad bilang hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.

Hindi umano nakalulusot sa mga checkpoint ang mga magsasaka dahil informal ang mga ito at walang maipapakitang permit mula sa Department of Agriculture.

Kabilang sa mga produktong gulay ng mga magsasaka ng Famy ay talong, sitaw, ampalaya, at kamatis.

Sisimulan na ng local government ng Famy ang pamimigay ng unang batch ng food packs sa Biyernes.

Inamin din ni Chavez na bagaman hindi sila mahihirapan sa pagkain, namomroblema ang lokal na pamahalaan dahil paubos na ang gamot sa kanilang iilang mga botika.

Dahil maliit ang calamity fund, nanawagan na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Famy mula sa provincial at national government. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN Newss

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.