COVID-19 Bayanihan: ’Lista mo, Bili ko’ ipinatutupad ng isang barangay sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 04:57 PM | Updated as of Mar 26 2020 06:25 PM

Courtesy: CHAIRMAN RYAN JOHN PASCUA

PINILI, Ilocos Norte - Isang barangay sa bayang ito ang nagbibigay ng serbisyong pabili sa mga palengke, grocery o botika para hindi na kailanganin pang lumabas ng mga residente sa kanilang bahay sa gitna ng lockdown dahil sa coronavirus. 

Sa programang "Lista mo, Bili ko" ng Barangay Badio, kailangan lamang ilista ng mga residente ang kanilang kailangan sa palengke, grocery o botika at mga barangay official na mismo ang bibili nito.

"ito ay para maiwasan nila ang sobrang dami ng taong lalabas sa aming barangay at ma-expose sa mararaming tao," ayon kay Barangay Chairman Ryan John Pascua.

Hindi naman anila pinagbabawalan ang mga residenteng lumabas kung kailangan nilang pumunta sa bangko, remittance center at ospital.

Ikinatuwa naman ng mga residente ang aksiyon na ito ng kanilang barangay.

"Upang mabigyan ng protection ang mamamayan sa pagkalat ng virus, sana matularan din ito ng barangay hindi lang sa Pinili, kung 'di sa buong Ilocos Norte na din,” sabi ng residenteng si Leah Bagarino.

Ang mga ipinamili ay door-to-door na dadalin ng libre sa mga bahay ng mga residente.