Batang babae, natagpuang patay sa tubuhan sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 12:37 AM | Updated as of Mar 26 2020 04:19 AM

Ang tubuhan sa Ilog, Negros Occidental kung saan natagpuan ang isang patay na 8-anyos na bata na hinihinalang hinalay bago pinatay. Kuha ng Ilog PNP

ILOG, Negros Occidental - Isang 8-anyos na batang babae ang natagpuang patay sa isang tubuhan sa Barangay Andulauan sa Ilog, Negros Occidental Miyerkoles ng umaga.

Naaagnas na umano ang bangkay ng bata nang makita ito ng mga taga-gapas ng tubo sa Hacienda Palma.

Wala na itong damit na pang-ibaba nang matagpuan kaya't naniniwala ang pulisya na maaring pinagsamantalahan ang bata. 

Ayon kay Police Maj. John Ganzon, hepe ng Ilog Municipal Police Station, tatlong linggo nang pinaghahanap ng kanyang pamilya sa Kabankalan City ang bata.

May persons of interest na ang pulisya sa kaso. Kasama na rito ang huling tao na nakasama ng biktima mula sa palengke kung saan nagtitinda ang kaniyang mga magulang.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay para malaman kung ano ang ikinamatay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.