Barangay kagawad, 3 iba pa tiklo sa pagbebenta ng overpriced rubbing alcohol sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 04:40 AM

Huli ang isang barangay kagawad at 3 iba pa sa isang entrapment operation sa Barangay 88, Pasay nitong Miyerkoles ng hapon. 

Arestado ang target na si Eduardo Salvador, 24, ang ina nitong barangay kagawad na si Gemma Montalbo, 51, at 2 helper na kapwa 20 anyos.

Ayon kay Police Capt. Deni Pedroso, hepe ng intelligence section ng Pasay Police, nagsagawa sila ng buy-bust operation kay alyas Alvin matapos iulat sa kanila ng 300th Air Intelligence and Security Wing ng Air Force ang sumbong na nagho-hoard ito ng alcohol at nagbebenta nito nang labis ang presyo. 

Mahigit 500 bote ng 500 mL na rubbing alcohol ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Air Force at Pasay City Police Station sa mga suspek.

Itinitinda ng target ang kada bote ng isopropyl alcohol ng P186 na mahigit doble sa presyo nito sa mga supermarket na P75. 

Nagsisilbi naman umanong lookout ng suspek ang inang kagawad at ang mga ibang lalaki na nagbuhat ng mga kahon. 

Hinala ni Pedroso, posibleng ginamit ng kagawad ang posisyon nito sa barangay para makabili ng alcohol at mag-imbak ito. 

Hawak ng pulisya ang 14 na kahon ng mga bote ng alcohol at ipauubaya sa korte ang kustodiya nito. 

Nahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Price Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.