2 timbog sa pagtatago, pagbebenta ng overpriced medical supplies

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 04:00 PM

Retrato mula sa National Capital Region Police Office

MAYNILA — Dalawa ang inaresto ng mga awtoridad sa Binondo noong Miyerkoles dahil umano sa pagtatago at pagbebenta ng overpriced na medical supplies.

Sa ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang mga suspek bilang sina Jun Martin Lim, 22, at Nina Ong, 38.

Hinuli sila sa isang condominium sa Alvarado Street, Barangay 292 bandang 5:15 ng hapon dahil umano sa pangho-hoard ng medical supplies at pagbebenta sa mga ito nang mas mahal sa suggested retail price.

Nakumpiska sa mga suspek ang P4.8 milyong halaga ng medical supplies kabilang ang 16 kahon ng magkakaibang klase ng face masks, 9 kahon ng infrared thermometer, 6 kahon ng examination gloves, at 3 kahon ng surgical suits, ayon sa pulisya.

Kakasuhan ng paglabag sa Consumer Act of the Philippines at Price Act ang mga suspek, ayon sa NCRPO.

Natuklasan ang supplies sa gitna ng malaking demand o pangangailangan sa mga ito bunsod ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19).

"Our frontliners and the public needs protective equipment yet some greedy persons hoard and resell these precious commodity for profit. Please, let us stop this. Let us help out each other instead," sabi sa pahayag ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.