Senado, ipinasa kay Duterte ang desisyon sa pambansang budget

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 06:47 PM | Updated as of Mar 26 2019 11:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilagdaan na ngayong Martes ng pamunuan ng Senado ang enrolled bill ng P3.7 trilyong 2019 national budget sa kabila ng banta na umano ay may maanomalyang fund insertions dito.

Unang tinanggihan ni Senate President Vicente Sotto III ang budget matapos ang paratang ni Sen. Panfilo Lacson na mayroon umanong "re-aligned" na parte ang budget para sa ilang mambabatas na pumapabor umano kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo. 

Pero ayon kay Sotto, ihihirit nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto o tanggihan ang mga parte kung saan nakalagay ang mga nasabing "insertions." 

"My attention is limited only to those items approved by the Bicameral Conference Committee and ratified by both Houses of Congress," aniya sa isang liham para kay Duterte. 

"It is my view that it is unconstitutional that P75 billion worth of programs/projects under the Local Infrastructure Program of the Department of Public Works and Highways was funded through internal realignments," dagdag ni Sotto. 

Nakatakdang ipasa ang panukala kay Pangulong Rodrigo Duterte upang malagdaan ito at pormal nang maging batas.

Naunang sinabi ni Arroyo na layon nilang maresolba ang girian sa budget ngayong linggo pero hindi natuloy ang kanilang meeting ukol dito para sa anunsiyo ni Sotto. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pag-aaralan ni Duterte nang mabuti ang panukala kapag dumating ito sa kaniyang opisina. 

Maaari din daw aniyang gamitin ni Duterte ang veto power kung may makitang ilegal dito, dagdag ni Panelo. 

Nauna nang sinabi ni Lacson na aabot sa P75 bilyon, na para dapat sa mga public works projects, ang na-realign umano ng Kamara sa ilang mambabatas. 

Pinopondohan sa ngayon ng gobyerno ang mga proyekto sa ilalim ng reenacted budget hangga't di pa naaayos ang gusot sa 2019 budget. -- May ulat nina Sherrie Ann Torres at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.