Paghulog sa SSS bilang requirement sa pag-alis ng OFW tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinutulan ng grupong Migrante ang posibilidad na gawing isa sa mga requirement sa pag-alis ng overseas Filipino worker (OFW) ang pagbayad ng kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Ayon sa Migrante, base sa kanilang pag-aaral, halos P20,000 na ang nagagastos ng mga OFW bago pa sila makaalis ng bansa.

"'Yan po ay malaking bagay na para sa iiwan nila sanang pera para hangga't hindi sila sumusuweldo... may pinapakain pa rin sa pamilya nila," ani Migrante Spokesperson Arman Hernando.

Naging mandatory ang pagiging miyembro ng mga OFW sa SSS matapos maisabatas ang Social Security Act of 2018, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero.

Nakikipag-ugnayan na ang SSS sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para maipatupad ang mandatory membership ng mga OFW sa pamamagitan ng pagsama nito sa mga prosesong dinadaanan ng mga umaalis na manggagawa.

Pero ayon sa Migrante, dapat bigyan ang mga OFW ng kalayaang magdesisyon kung kaya nilang maghulog sa SSS o hindi lalo at hindi sila hahatian sa paghuhulog ng mga banyagang employer dahil wala pang kasunduan para rito.

Ipinanukala rin ng Migrante na saluhin muna ng mga employment agency ang papel ng pagiging employer gaya ng gagawin ng mga manning agency sa mga sea-based worker.

"Kailangan dapat talaga may employer dahil hindi po kaya at mahirap po para sa amin na balikatin ito nang buong-buo," ani Hernando.

Pero ayon sa Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI), hindi rin tamang sila ang pagbayarin sa employer share ng SSS contribution ng mga OFW.

"Ang role lang ng agency diyan is to facilitate, documentation, processing. Hindi kami nagpe-payroll, papaano kami naging employer nila?" ani PASEI President Elsa Villa.

Hinarap naman ng POEA ang Migrante para pakinggan ang mga hinaing sa mandatory SSS membership.

Tiniyak din ng POEA na magsasagawa ng sariling public consultation ang DOLE hinggil sa isyu.

"We will of course consider the welfare and protection of our OFWs, kung ano 'yong makakabuti para sa kanila," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

Nangalap ng pirma ang Migrante para iparating sa SSS, DOLE, at POEA ang hiling ng mga OFW na isuspende muna ang pagpapatupad ng bagong patakaran ng SSS.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.