OFW na nakaligtas sa aksidente sa NLEX, ibinahagi ang karanasan

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 03:37 PM

Laking pasalamat ni Jessamara Vesinal at nakaligtas siya sa aksidente na ikinamatay ng limang kasamahan niyang overseas Filipino workers. Gracie Rutao, ABS-CBN News

Nakatakdang lumabas na mula sa pagamutan ang isa sa mga nasugatan sa aksidenteng ikinasawi rin ng 5 overseas Filipino workers (OFWs) na patungo sanang Middle East noong Sabado.

Laking pasalamat ni Jessamara Vesinal na mga galos sa kamay at bugbog na paa at leeg lamang ang kaniyang natamo sa aksidente. Isa rin ang 26-anyos na OFW sa mga nahulog sa tulay na may 20-talampakan ang taas.

“Nung natutulog po ako narinig ko yung mga kasama ko sabi buksan niyo yung pinto, buksan niyo yung pinto tapos nung nagising po ako nandun na ako sa ilalim ng tulay, hindi na po ako makagalaw,” kuwento ni Vesinal.

Kuwento niya, masaya pa silang umalis ng Maynila at kaniya-kaniyang nagsitawagan at nagpaalam sa pamilya. 

Pangalawang beses na sanang magtatrabaho bilang OFW si Vesinal na tubong Batangas. Patungo na sila sa Clark International Airport nang maaksidente sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bayan ng Apalit sa Pampanga.

Pumutok umano ang gulong ng van habang nasa mataas na bahagi ng NLEX sa Barangay Tabuyoc, dahilan para tumaob ito at tumilapon ang siyam na pasahero sa baba ng tulay. 

Bukod sa 5 nasawi, 5 pa ang nasa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

“So far, we have 5 patients in the ward. Yung 1 for pulmonary status monitoring tapos yung 1 patient for abdominal status monitoring tapos yung 3 for discharge meron na lang mild pain due to the accident,” pahayag ni Dr. Ryan Joe Dungca.

Nakaligtas man si Vesinal, bakas naman ang trauma sa kaniya sa nangyaring aksidente.

“Para pong makakita lang ako ng van iba na po ang pakiramdam ko,” sabi niya.

Hirap pa ring makatayo si Vesinal pero nakatakda na siyang lumabas ng ospital sa Miyerkoles.

Samantala, naisampa na ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties laban sa van driver na si John Leo Jaylo pero nai-release rin matapos na sumailalim sa preliminary investigation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.