Motorsiklo binangga ng kotse; babae kritikal, lalaki sugatan

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 06:20 PM | Updated as of Mar 26 2019 09:45 PM

Kritikal ang lagay ng isang babae habang sugatan naman ang kaniyang kinakasama matapos mabangga ng kotse ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bahagi ng Marcos Highway sa Pasig City nitong madaling araw ng Martes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kuha ng isang dashboard camera (dash cam) sa insidente, mapapanood ang pagbaybay nina Mark Joseph Belen at Rossana Ugto sa motorcycle lane ng Marcos Highway nang biglang sumulpot ang isang kotse. 

Iniwasan ng kotse ang motorsiklo pero pagkabig ay nasalpok din ito, dahilan para tumilapon ang dalawa, base sa kuha.

Pauwi sana ang dalawa noong mga oras na iyon matapos umanong sunduin ni Belen si Ugto sa trabaho.

Hindi tumigil ang kotseng nakasalpok sa dalawa at hindi rin malinaw ang plaka sa kuha ng dash cam.

Ayon kay Police Col. Rizalito Gapas, hepe ng Pasig police, malinaw na mga biktima ng reckless driving ang dalawa lalo at nasa tamang lane ang mga ito. --Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.