Mga pinakasapul ng water crisis di sisingilin ngayong Marso

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 02:29 PM | Updated as of Mar 26 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Walang babayarang bill sa buwan ng Marso ang mga konsumer ng Manila Water na pinakamatinding naapektuhan ng water shortage, ayon sa water concessionaire nitong Martes. 

Sakop nito ang mga kostumer na maghapon at magdamag, at higit isang linggong nawalan ng tubig, ayon kay Manila Water President at CEO Ferdinand Dela Cruz sa isang press conference. 

Hindi na rin kailangang magbayad ng minimum charge na may katumbas na 10 cubic meters ang lahat ng Manila Water customers. 

Ito ay "one-time bill waiver scheme" na magre-reflect sa April billing, ayon kay Dela Cruz. 

Aniya, nauunawaan nila ang hinaing ng kanilang customer ukol sa shortage. 

"To help ease in some way the inconvenience that we have caused... we are announcing a voluntary and one-time bill waiver scheme to be reflected in the April bill of our customers," aniya. 

(Para mapagaan maski paano ang istorbong idinulot namin... nag-aanunsiyo kami ng boluntaryo at one-time na bill waiver scheme para sa bill sa Abril ng aming mga kostumer.) 

"They will not be billed for their whole water consumption for March. (Hindi sila sisingilin para sa kabuuan ng Marso.) Iyun pong pinakaapektado, we are going to waive their March consumption," ani Dela Cruz. 

Makikipag-ugnayan ang Manila Water sa lokal na pamahalaan ng mga naapektuhang lugar para matukoy kung sino ang mga pinakaapektado ng krisis ng tubig at ilalabas nila ang listahan ng mga apektadong lugar matapos ang Marso 31. 

Sa ngayon ay may walo pang lugar na walang suplay ng tubig, ayon sa Manila Water. 

Bagamat ikinatuwa ang hakbang ng Manila Water, iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na patuloy pa rin ang imbestigasyon nila sa nangyaring problema ng suplay. 

Sabi ng MWSS, hiwalay pa sa waiver na ito ang ipapataw nilang parusa sa Manila Water. Ang gustong mangyari ng MWSS, rebate o bawas sa bayarin ng tubig sa Hunyo o Hulyo. 

Pinag-aaralan na rin ng MWSS ang penalty na katumbas ng 5 porsiyento ng nagastos ng Manila Water para maiayos ang problema at maibalik sa normal ang suplay.

"'Yung rebate ay basically di maibabalik 'yung pera, 'di ito sobre na may cash o tseke. Ang gagawin po next bill, magre-reflect ay may bawas o wala kayong bill, depende sa total penalty na i-impose natin," ani MWSS chief Patrick Ty. 

Nilinaw din ni Ty na hindi kasali sa kuwento nila ang abala at dagdag-gastos na naranasan ng mga nawalan ng tubig. 

Maaari raw silang magkaso sa korte para humingi ng danyos sa Manila Water sa perwisyong idinulot ng water interruption. 

Magugunitang tinamaan ng malawakang water shortage ang higit isang milyong mga parokyano ng Manila Water -- na humantong sa pagrarasyon ng suplay, ilang oras ng pila-balde sa loob ng isang linggo, at kakulangan ng suplay sa ilang ospital sa Kamaynilaan. 

Nasa 1.2 kabahayan ang apektado ng kakulangan ng suplay, partikular na sa Mandaluyong, Pasig, Rizal, at ilang bahagi ng Quezon City na sakop ng Manila Water. 

Nauna na ring humingi ng paumanhin ang water concessionaire sa nangyaring aberya. 

-- May ulat nina Alvin Elchico at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.