Ganti lang: Palasyo sa drug rap vs ex-Duterte adviser

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumuwelta ang Malacañang sa pahayag ni dating Police Col. Eduardo Acierto na sangkot sa ilegal na droga ang dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.

Giit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, rumeresbak lang si Acierto kaya sinasabi niya ngayon na sangkot sa droga si Yang at ang isa pang Allan Lim na umano'y malapit sa pangulo. 

"Obviously the motive is, since he has been accused of involvement in drugs, he wants to get back, that’s why he is pointing fingers at whoever," aniya sa isang press briefing. 

Dagdag niya, wala silang nakitang ebidensiya na nagpapatunay sa mga akusasyon ni Acierto at may tiwala pa si Duterte kay Yang hangga’t hindi napapatunayan ang pagkasangkot nito sa droga. 

Tiniyak din ng Palasyo na imbestigahan si Yang at ang iba pang pinangalanan ni Acierto na sangkot umano sa droga. 

"Just like how the President treats other people in drugs, he will go the ends of the earth to put them behind bars, if they will resist, under the law the police officers, can use violence, legal violence," ani Panelo. 

Ayon naman kay Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde, wala siyang natanggap na intel report mula kay Acierto ukol kay Yang noong nasa kapulisan pa ito. 

Kinuwestiyon naman ni Albayalde ang timing umano ng pagsasalita ni Acierto, na na-dismiss sa PNP noong 2018 dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang AK47 deal.

"He had all his chance sa Senate hearing... There is no standing warrant of arrest kay Acierto. Kung magpakita siya, wala naman manghuhuli sa kaniya," ani Albayalde. 

Noong 2018, isinangkot ni Duterte si Acierto sa umano ay pagpuslit ng higit P4 bilyon halaga ng shabu gamit ang mga magnetic lifter. Humingi na rin ng tulong si Acierto sa isang religious group dahil may plano umanong ipaligpit siya sa halagang P15 milyon.

--Ulat nina Raffy Santos at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.