Bus nahulog sa bangin sa Negros Occidental; 4 patay, 6 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 05:10 AM

Romeo Subaldo, ABS-CBN News

NEGROS OCCIDENTAL - Patay ang 4 katao habang sugatan ang 6 na iba pa matapos mahulog ang isang pampasaherong bus sa bangin sa bayan ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental Lunes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Gerald Moya, hepe ng Don Salvador Benedicto police, galing San Carlos City ang bus at patungong Bacolod City nang mawalan ito ng preno sa Barangay Igmayaan kaya nahulog sa bangin alas-8:30 ng gabi.

Kuwento ni Ariel Palma na unang rumesponde sa lugar, 4 ang narekober nilang bangkay mula sa bus at damuhan. Dinala naman sa pagamutan sa Bacolod City ang 6 na sugatan.

Ayon naman sa isang nakaligtas, nasa 16 silang lahat na sakay sa bus kaya patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad. Pahirapan ang operasyon dahil madilim ang lugar.

Wala pang inilalabas na pangalan ng mga biktima ang pulisya. - Ulat ni Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.