ALAMIN: Parusa laban sa vote-buying

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 02:52 PM | Updated as of Mar 26 2019 03:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuwing halalan ay nagkakaroon ng mga ulat ng alok ng pera o iba pang bagay o pabor para sa mga botante mula sa ilang politiko o grupo kapalit ng kanilang boto. Ito ang tinatawag na "vote-buying." 

Ayon kay Atty. Noel Del Prado, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang vote-buying at maituturing itong election offense, batay sa Omnibus Election Code. 

Pinaparusahan dito ang sino mang tao, institusyon, o grupong mangangako ng pera, o ano mang alok sa isang botante para iboto ang isang kandidato. 

"Parang suhol ito eh, binenta mo. Sabi nga noong iba, kapag nagbebenta ka ng boto , pinagbibili mo rin 'yung kaluluwa mo," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM ngayong Lunes. 

Ayon pa kay Del Prado, sakop ng vote-buying ang ano mang bagay na may halaga, maging ang mga bolpen na ibinibigay sa mga botante. 

"Kahit anong bagay na may halaga, at hindi lang pinarurusahan ang mismong pagbigay o pagtanggap o alok na lamang ng pagbili at pagbenta ng boto," ani Del Prado. 

Maaari naman daw mamigay ng t-shirt ang mga kandidato pero dapat lang daw ito maibigay sa mga supporter nila, at dapat pinaggamit lang ito tuwing political rally o miting de avance. 

Paparusahan din ang mga tatanggap ng pera mula sa vote-buying, pero nilinaw ni Del Prado na bibigyan sila ng "immunity" kung isusumbong nila ang umano'y nagbenta sa kanila ng boto. 

Kailangan lang aniyang magbigay ng affidavit sa korte ang mga tumanggap nito. 

Maaaring idulog sa lokal na korte o kaya sa Commission on Elections o Comelec ang mga masasangkot sa vote-buying, na may parusang diskuwalipikasyon sa pagtakbo, pagboto, o pagkakakulong na aabot ng isa hanggang anim na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.