PatrolPH

2 lalaking nagtangka tumakas sa checkpoint, inabutan ng pulis sa trapik

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 07:03 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang dalawang lalaki sa isinagawang checkpoint ng mga pulis sa Barangay Cugman, Cagayan de Oro City Lunes ng gabi.

Nagtangka pang tumakas sa checkpoint ang dalawa pero nahuli rin ng mga pulis dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.

Nakuha mula sa dalawang suspek ang isang kalibre .45 na baril, isang kalibre .38 na revolver, isang 18 pulgadang patalim at mga bala.

Ayon sa mga pulis, Sabado pa nila minamanmanan ang galaw ng dalawa dahil na rin sa report ng mga residente.

"Dumaan itong motor at fit sa description ng nagsumbong hinurdle pa yung checkpoint pero na corner din ng tropa,” sabi ni Police Capt. Allan Cairel, hepe ng Police Station 10.

Una na rin nilang kinasuhan ng frustrated murder ang isa sa mga nahuli na si Arnel Cataquis dahil suspek ito sa pamamaril ng isang babae sa parehong lugar noong Enero.

Duda ng pulisya, target pa rin ng dalawa ang biktimang nakaligtas kaya bumalik sila sa lugar.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang dalawang nahuli.

Kakasuhan sila ng illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa election gun ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.