PatrolPH

2 huli sa modus na pagsasanla ng gov't housing unit

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 07:39 PM

Watch more on iWantTFC

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 2 tao dahil sa modus na pagsasanla ng mga government housing unit.

Dinampot ng NBI sa isang kainan ang nagpakilalang broker na si Cristina Gonzales at kaniyang kasamahan matapos tanggapin ang pera mula kay alyas "Lucy."

Pinapirma si "Lucy" ng kasunudan na isasangla sa kaniya ang isang bahay at lupa sa Antipolo sa halagang P100,000 kapalit ng pagkita ni "Lucy" ng P5,000 interes kada buwan.

Natuklasang peke ang mga hawak na papeles ng mga suspek na nagsasabing sila ang broker at may-ari ng isinasanglang property na isang government housing.

Inamin naman ng mga suspek ang modus at sinabing hindi lalagpas sa 20 ang mga nabiktima.

Naniniwala naman ang NBI na sadyang pinili ng mga suspek na ialok ang government housing dahil mas mahirap itong iberipika sa mga ahensiya, hindi gaya ng mga tituladong lupa sa Land Registration Authority. 

"Bago magbitaw ng pera, siguraduhin munang 'yong dokumentong ipinepresenta sa inyo ay totoo," ani Migdoño Congzon, hepe ng NBI sa Rizal province.

Kulong sa kasong estafa at falsification of public documents ang mga suspek.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.