Umano'y teroristang Indonesian, arestado sa Sultan Kudarat

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 12:32 AM

DAVAO CITY - Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) Region XI sa media ang kanilang nahuling Indonesian national na umano'y isang suicide bomber.

Naaresto sa Sultan Kudarat si Mushalah Somina Rasim noong ika-10 ng Marso ngayong taon.

Ngayong Linggo lamang iniharap sa media ang suspek dahil sumailalim pa ito sa continuous deprocessing at debriefing ng mga awtoridad.

Nahuli ang suspek habang hinahanap ang isang alyas Tokboy na lider umano ng grupong AKP o Anshar Khalifa Philippines na umano'y nagpahayag ng suporta sa teroristang grupong ISIS. 

Lingid sa kaalaman ng suspek na napatay na pala ng mga militar sa isang operasyon sa Saranggani noon pang Enero 2017 ang taong hinahanap nito.

Napag-alamang may kasong possession of firearms and explosives si Rasim na ginamit nito sa isang suicide bombing attack sa Ceribon, Indonesia taong 2011 pa.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sa backdoor ng bansa dumaan ang suspek kaya wala itong naipakitang mga immigration papers.

Hindi naman nakakaintindi ng wikang Ingles ang suspek at tanging Bahasa lamang ang alam na wika.

Sa ngayon ay nasa kustodiya muna ng NBI XI ang suspek habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon sa mga gawain nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.