Misis, pinagsasaksak dahil tumangging makipagtalik

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 05:32 PM

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kaniyang misis matapos ang madugong pag-aaway sa pagitan nilang mag-asawa noong Linggo ng gabi sa Taguig.

Ayon sa kaibigan ng misis, nag-ugat umano ang away dahil sa pagtanggi ng babae na makipagtalik kay mister sa ikalawang pagkakataon.

Kuwento ni alyas "Jose," may-ari ng bahay na tinutuluyan ng mag-asawa, nagising siya dahil sa pag-aaway ng mag-asawa.

Nang mabuksan ang pinto sa kuwarto ng mag-asawa ay nadatnan niya ang babae na marami nang saksak sa katawan.

Inawat pa ni Jose ang mister kaya nagtamo rin siya ng mga sugat sa mga kamay at braso.

Nakatakas naman ang babae sa tulong ng kaniyang kaibigan.

Nagkulong ang lalaki sa banyo at nang mabuksan ni Jose ay natagpuan niyang wala na umanong buhay ang lalaki, na sinaksak ang sarili sa tiyan.

Nananatili sa ospital ang babae na stable na ang kalagayan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.