Ilang aplikante sa DOLE job fair, nababahala dahil 'tatawagan na lang'

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 09:06 PM | Updated as of Dec 25 2018 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

'Kailangan pa ng skills upgrade ng ilang aplikante'

Nababahala ang ilang aplikanteng nagbakasakali sa Department of Labor and Employment (DOLE) job fair sa Pasay nitong Lunes.

Ayon kasi sa ibang aplikante, narinig nila mula sa kinatawan ng kompanyang gustong pasukan ang linyang "tatawagan na lang namin kayo."

Ganito ang naging karanasan ng magkaibigang sina Jenny Pitel at Monica Malate na kapwa nahirapang makahanap ng mga trabahong akma sa kurso nilang computer technology.

Lahat nga raw ng 10 kompanyang kanilang in-apply-an nila, sinabing tatawagan na lang sila.

Sabi ni Pitel, kadalasan aniyang kapag sinasabing tatawag ang kinatawan ng kompanya ay hindi naman ito nangyayari.

Tingin ni Malate, maaaring kaya hindi sila nakakakuha pa ng trabaho ay dahil wala pa silang karanasan o work experience.

Pareho kasing bagong graduate pa lang sina Pitel at Malate.

Sinubukan naman ng aplikanteng si Mark Oledan na makakuha rin ng trabaho sa job fair.

Gusto niya sanang maging seaman, pero dahil hindi pa raw siya papasa sa ngayon, naisipan ni Oledan na pumasok sa cookery training program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 

Ayon sa DOLE, nasa 20 porsiyento ang nakukuha o "hired on the spot" sa mga job fair. 

Gayunman, sa DOLE job fair nitong Lunes, 28 pa lang sa mga aplikante ang nakuha on-the-spot bago mag-alas-dos ng hapon.

Tingin ng DOLE, pahiwatig ito na marami pa sa mga aplikante ang kailangan ng skills upgrade.

Ayon kay Dominique Tutay, director ng DOLE-Bureau of Local Employment, isinasama na talaga sa job fair ang TESDA para hikayatin ang mga aplikanteng di natatanggap na magsanay pa sa skills na hinahanap ngayon ng employers.

Nasa 13,000 trabaho ang puwedeng apply-an sa job fair ng DOLE, kabilang na rito ang 5,000 trabaho abroad at 8,000 naman sa lokal.

Bukod pa iyan sa 1,000 TESDA scholarships na ipinamahagi sa job fair.

Matapos ang job fair, naghahanda naman ang TESDA sa job bridging program para sa mga nangangailangan ng training at skills upgrade sa Abril 5-6.

OPORTUNIDAD SA OFW

Kung mailap ang trabaho para sa wala pang work experience, nakabuwenas naman ang ilang dating overseas Filipino worker (OFW).

Dating nagtrabaho sa Saudi Arabia si Maritess Castillo na natanggap bilang field interviewer sa DOLE job fair.

Aniya, sa edad na 43, di na niya inakalang matatanggap pa siya sa isang trabaho rito sa Pilipinas. 

Batid ni Castillo na mas maliit ang sahod sa Pilipinas kumpara sa pagiging household worker niya sa ibang bansa, pero ngayon daw ay mas pipiliin niyang magtrabaho rito sa Pinas para makasama pa rin ang kaniyang pamilya.

Isa naman si Alvin Abrilla sa mga umaasang muling makapangingibang-bansa. 

Kabilang siya sa mga OFW na nakakuha ng amnesty sa Saudi Arabia noong nakaraang taon.

Umaasa siyang sa pagkakataon ngayon, makapagtatrabaho pa rin siya sa ibang bansa tulad ng New Zealand o Canada, basta lang daw hindi na sa gitnang silangan.

Nauna nang sinabi ng DOLE na mayroong priority lane ang job fair para sa mga dating OFW na gusto nang maghanap ng oportunidad dito sa Pilipinas.

May special lane din daw ang mga OFW na galing Kuwait na bibigyan din ng libreng training para mas lalong mapadali ang paghahanap ng trabaho. 

Nito lang Pebrero nang ipagbawal ang pagpapadala sa mga bagong hire na OFW papuntang Kuwait sa gitna ng mga report ng pang-aabuso sa mga Pinoy household service worker (HSW).

Kasabay nito, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Kalauna'y nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa gitna naman ng umiiral na ban, hiniling ng ilang OFW sa Kuwait na huwag naman sanang pigilan maging ang pag-alis ng Pinoy skilled workers papuntang Kuwait.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng DOLE na maaaring bawiin na ang deployment ban para sa skilled workers pero hindi ang para sa mga HSW.

Hinihintay pa ring magkapirmahan ang Pilipinas at Kuwait sa kasunduang mangangalaga sa kapakanan ng mga HSW.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.