Higit 200 pasahero stranded sa Mindoro dahil sa suspensiyon ng Dimple Star

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 10:56 AM | Updated as of Jan 04 2019 12:28 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Na-stranded ang nasa 200 pasaherong paluwas sa Maynila sa grand terminal ng Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa suspensiyon ng prangkisa ng Dimple Star bus, ayon sa isang opisyal ngayong Lunes.

Pansamantalang pinagbawalang pumasada ang mga bus ng kompanya matapos mahulog sa bangin sa Sabalayan ang isang unit nito, dahilan para masawi ang 19 katao at masugatan ang 21 iba pa noong nakaraang linggo.

May isa pang bus company na bumibiyahe sa Sablayan, pero hindi sapat ang mga unit nito kaya naghihintay ang mga pasahero nang 4 hanggang 5 oras sa terminal bago makasakay, sabi sa DZMM ni Arcris Canillo, disaster response officer ng bayan.

Dahil aniya rito, nagbigay ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan sa nasa 160 pasahero ngayong Lunes ng madaling-araw.

Nasa 50 iba pa ang naghihintay ng libreng sakay pasado alas-8 ng umaga, dagdag ni Canillo.

Naproseso na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon para makabiyahe sa Sablayan ang 25 bagong bus units, sabi ng board member ng ahensiya na si Aileen Lizada sa hiwalay na panayam ng DZMM.

Haharap aniya ang Dimple Star sa LTFRB sa Abril 18 para ipaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang makansela ang prangkisa nito.

Nangako naman si Lizada na sisiyasatin ang ulat na hindi pa nakakapagbigay ng ayuda ang kompanya sa mga pamilya ng mga naaksidenteng pasahero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.