31 pampublikong eskuwelahan, di kasama sa free tuition

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Mahigit 100 ang local universities and colleges (LUC) sa buong bansa, pero 78 lang dito ang nasa listahan ng Commission on Higher Education (CHED) na makatatanggap ng subsidyo para sa libreng matrikula ng mga mag-aaral nito.

Ayon sa CHED, 31 LUC ang hindi napabilang sa listahan dahil ang ilan sa kanila'y hindi nakapagpasa ng rekisito sa komisyon.

"We evaluated as many as we can. The commission en banc approved 78. What happens to the rest, some of them are being evaluated now, some of them have applied," ani Prospero De Vera, OIC ng CHED.

Kabilang sa 31 LUC na hindi bibigyang subsidyo ng CHED ang Quezon City Polytechnic University.

Paliwanag namang ng eskuwelahan, hindi nila naihabol ang ilang mga kinakailangang rekisito.

"Sana maihabol pa namin para naman mas maraming makinabang... ang [Quezon] city naman ay mayroong subsidy na ibinibigay sa mga estudyante, actually kahit hindi taga-Quezon City, minsan nasa-subsidize," paliwanag ni Santiago Flora, vice president for operations ng Quezon City Polytechnic University.

Dismayado naman ang ilang estudyante ng naturang paaralan.

"Medyo po nakakalungkot kasi... 'yong iniintindi na lang sana 'yong pamasahe papuntang school," ani Marc Justine Nuevas, third year student.

"Plano ko kasi next school year, maghahanap ako ng work para pansariling gastos at pandagdag [sa] tuition," sabi naman ng isa pang estudyanteng si Angelica Dawn Eco.

Hindi pa muna maibibigay ng CHED ang kompletong listahan ng 31 LUC.

Pero ayon sa CHED, hindi na dadagdagan ang kanilang listahan ng mabibigyang subsidyo.

Tuloy pa naman daw ang kanilang evaluation para mas marami pang mga LUC ang makinabang sa susunod na taon.

IRR NG FREE TUITION

Pormal na ring pinirmahan ng CHED at ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan ang implementing rules and regulations (IRR) ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa P40 bilyong pondong inilaan ng pamahalaan, P16 bilyon dito ang ilalaan para sa state universities at colleges gayundin sa mga LUC.

Ilalaan naman ang P7 bilyon para sa libreng technical vocational education, habang P15,850,919,000 ang ilalaan sa tertiary education subsidy para sa mga mahihirap na estudyante.

Nakalaan naman ang P1 bilyon para sa student loan program.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.