3 patay sa sunog sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 08:08 AM | Updated as of Mar 26 2018 11:15 AM

Photo courtesy of Jay de Roxas

MANILA - Tatlo ang patay matapos masunog ang residential area sa Technological University of the Philippines (TUP) compound sa Barangay Western Bicutan, Taguig nitong Linggo.

Nagsimula ang sunog alas-3 ng hapon at mabilis na kumalat sa nasa 200 bahay. Naapula ito makalipas ang 8 oras, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuha ng mga imbestigador ang bangkay ng 62-anyos na si Ramona Palima mula sa isa sa mga nasunog na bahay, Lunes ng madaling-araw.

Paralyzed si Palima at hindi natulungang makalabas ng bahay dahil sa laki ng apoy, sabi ng BFP.

Nakita naman sa banyo ng isa pang bahay ang katawan ng ikalawang biktimang si Lalen Lasagas. Una nang nakalabas ng tahanan si Lasagas pero bumalik ito para sa naiwang cellphone, ayon sa mga imbestigador.

Sa ospital naman anila nasawi ang ikatlong biktimang si Marlyn Talon matapos atakihin sa puso.

Pansamantalang nakisilong sa kalapit na covered court at paaralan ang nasa 400 pamilyang nawalan ng tirahan sa insidente.

Nangyari ang sunog sa gitna ng Fire Prevention Month. Kadalasang tumataas ang bilang ng mga sunog tuwing Marso.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.