2 lalaki arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra droga

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 08:32 PM | Updated as of Dec 24 2018 12:54 AM

Dalawang lalaki ang arestado sa magkahiwalay na operasyon kontra iligal na droga sa Batangas at Mindoro.

Arestado ang 27-taong gulang na tricycle driver na si Eugene Martinez sa isang buy-bust operation sa Barangay Antonio sa bayan ng Sto. Tomas sa Batangas, Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, ikinasa nila ang operasyon base sa natanggap nilang impormasyon tungkol sa umano'y bentahan ng droga sa lugar.

"Actually po, ito pong ating suspek ay namamasada po ng tricycle. So, habang namamasada po siya ng tricycle, nakaparada po, nakaparking siya sa isang gilid ng kalsada at kaagad po nagkaroon po ng bilihan dito," ayon kay Police Senior Inspector Erickson Go, deputy chief ng Sto. Tomas Police.

Itinanggi ng suspek na si Martinez na sa kanya ang nakuhang iligal na droga, bagama't aminado itong gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot.

"Gumagamit po ako, inaamin ko po, pero 'yung nakuha sa akin, hindi talaga akin 'yun," aniya.

Samantala, timbog naman si Angelito Viray sa hiwalay na operasyon sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, Linggo ng hapon.

Nakuha mula kay Viray ang limang kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalagang P35,000 kada kilo.

Kapwa sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Viray at Martinez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.