1 patay sa landslide sa San Mateo, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 01:23 PM | Updated as of Dec 22 2018 10:35 PM

(Editor's note: A previous version of this story incorrectly referred to Maximo Trani Bañega as Alvin Trani Jr. We regret the error.)

MAYNILA - Patay ang isang manggagawa sa pagguho ng lupa sa ginagawang daan sa Monterey Road sa Barangay Silangan, San Mateo, Rizal Lunes.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Maximo Trani Bañega, 26, isang construction worker.

Ayon kay Dong Malonzo ng Rizal Disaster Risk Reduction and Management Council, bumigay ang lupang pinagtatayuan ng bakal na nasa gilid ng bangin at natabunan ang biktima.

Kasalukuyan pang kinukuha ang katawan ni Bañega mula sa guho. Nahihirapan aniya ang rescuers dahil malalim ang lupang tumabon sa manggagawa.

Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang CA Miguel Construction na kontraktor ng nasabing proyekto. -- ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News