Krimen sa tahanan: 4 minasaker ng 'bonnet gang' sa QC

Jeff Hernaez, DZMM

Posted at Mar 26 2017 12:40 PM | Updated as of Mar 26 2017 12:59 PM

Pinalilibutan ng police line ang bahay sa Payatas, Quezon City kung saan pinaslang ng mga naka-bonnet na gunman ang 4 indibidwal. Jeff Herneaz, DZMM

MANILA - Patay ang apat na indibidwal matapos silang pagbabarilin ng mga umano'y miyembro ng "bonnet gang" sa loob ng isang bahay sa Payatas, Quezon City, Sabado.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na pwersahang pinasok ng 3 naka-bonnet na lalaki ang bahay na inuupahan ni Criselda Chua, 36, sa sa kanto ng Golden Hills at Chocolate Hills Street.
 
Isang concerned citizen ang nag-ulat sa barangay Linggo ng umaga ukol sa magkakasunod na putok ng baril na narinig sa tahanan ni Chua, ayon kay Nicanor Silanga, barangay tanod.

Nang siyasatin ng mga awtoridad ang bahay, tumambad sa kanila ang duguang bangkay ni Chua at mga kasama nitong sina Anthony Salazar, 29; Leo Barba, 36; at Tirso Cervantes, 50.

Maaaring may kinalaman umano sa iligal na droga ang krimen dahil sa natagpuang mga drug paraphernalia sa crime scene, ayon sa mga imbestigador.

Aminado naman ang ama ni Barba, isa sa mga napaslang, na gumagamit ng droga ang kanyang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.