Sa video na inupload ni “Iseng” sa social media, makikita ang oath-taking ceremonies sa Bren Z. Guiao Convention center sa San Fernando, Pampanga nitong nakaraang Miyerkoles para sa lahat ng nakapasa sa Criminologist Licensure Exam.
Pero lumakas pa ang palakpakan nang tawagin ang pangalan ng 23 anyos na si Dexter Valenton, ang katutubong Aeta mula sa Tribo ng Mag Indi sa Nabuclod, Floridablanca.
Si Valenton ang kauna-unahang katutubong Aeta sa Pampanga na nakatapos sa kursong BS Criminology at nakapasa sa Criminologist Licensure Exam nitong December 2022.
“Sobrang saya po na Hindi maipaliwanag kase na recognized na kami as new registered criminologists … Sobrang saya po na lalo na as Aeta na ma-recognized,” aniya.
Ayon kay Valenton, sobrang saya ang naramdaman sa pagpanhik sa entablado at pormal na makilala hindi lang ang pagiging rehistradong criminologist, kundi ang kilalanin ang kanyang tagumpay bilang isang Aeta.
Sa katunayan, isinuot pa niya ang bahag sa aktibidad na katutubong kasuotan sa kanilang tribo para ipagmalaki ang kanyang pinanggalingan at lahat ng sakripisyo at pagpupursigi para maabot ang pangarap na maging pulis.
“'Yun po napili Kong isuot just to show at irepresent yung pagiging Aeta ko and yung tribe na meron ako on behalf of the struggles is narating ko pa din yung achievement na iyun,” sabi niya.
“Pwede nya po itong gamitin bilang eligibility para mag-apply po ng pulis dahil may mga requirements po kasi sa pag-aapply po sa pulis... kailangan po niyang mag-apply online kasi po ngayon ang application po sa PNP ay online na po,” sabi ni Police Col. Jean Fajardo, spokesperson ng PNP.
Umani ng mga pagbati at mensahe ng pagsuporta at pagkabilib mula sa mga netizens ang video ang oathtaking and induction ceremonies ni Valenton.
Proud si Dexter dahil kung sakali, siya ang kauna-unahan sa kanilang tribo na magiging isang ganap na pulis.
Ang kanyang pagpupursige na maging pulis ay kinikilala naman ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na umaasang maging inspirasyon siya at halimbawa ng iba pang katutubo na nais sumali sa kanilang hanay.
“Kung sakali po ako po yung una sa tribo namin na magiging pulis na board passer,” aniya.
“Unang-una binabati natin siya kasi napakagandang achievement nito at doon po sa ating mga katutubo na ito po ay magsisilbing inspirasyon sa kanilang hanay dahil hindi nga po nagging hadlang ang kanyang pagiging minority at sana marami pa pong sumunod sa kanya at welcome na welcome po sila sa PNP," sabi naman ni Fajardo.
Kapag naging ganap na pulis, nais ni Valenton na madestino malapit sa kanilang lugar para makatulong sa kanilang tribo at tumayo na rin bilang tagapagtanggol ng mga naaapi. - ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.