PatrolPH

Santa Elena, Camarines Norte, may bagong kaso ng ASF

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2023 03:31 PM

 May bagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Santa Elena, Camarines Norte. Retrato mula sa Camarines Norte-PIO.
May bagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Santa Elena, Camarines Norte. Retrato mula sa Camarines Norte-PIO.


Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang isang inahing baboy sa Barangay Poblacion sa bayan ng Santa Elena, Camarines Norte, batay sa pahayag ng Provincial Information Office.

Si provincial veterinarian Dr. Ronaldo Diezmo ang nagkumpirma sa panibagong kaso, matapos ilabas noong isang linggo ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ng Department of Agriculture ang resulta ng blood test sa inahing nagka-problema sa pagbubuntis nito.

Agricultural extension workers (AEW) ng LGU-Santa Elena umano ang unang sumuri sa baboy kasunod ng pagsangguni ng isang hog raiser.

"Sa paghihinalang ang insidente ay posibleng ASF infection, ang AEW ay kumuha ng blood sample na ipinadala ng Provincial Veterinary Office noong March 14, 2023 sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa Pili, Camarines Sur. Matapos ang Real Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test, lumabas na positibo sa ASF virus ang blood sample," ayon sa statement ng Camarines Norte Provincial Information Office sa social media.

Nasa 24 na baboy na pasok sa 500-meter radius mula sa kulungan ng baboy na may ASF ang nahagip ng depopulation ng ASF Task Force Santa Elena na kinabibilangan ng Municipal Agriculturist’s Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Engineer’s Office, Municipal Environment at Natural Resources Office, barangay council at pulisya.

"Ang culled pigs ay ibinaon nang may industrial lime sa paligid ng burial pit para sa leaching prevention (pagtagas). Kasabay ng depopulation activity ang disinfection ng swine raising premises," dagdag sa statement ng Camarines Norte Provincial Information Office sa social media.

Isang taon na sana sa Abril 18 na ASF-free ang Santa Elena, matapos maideklara noong 2022.

Muling hinikayat ng Kapitolyo ang mga magbababoy sa probinsiya na agad mag-report sa LGU kapag nagkasakit ang alaga nila para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa Camarines Norte.

-- Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.