PatrolPH

Donasyon para sa conjoined twins tinangay ng scammer na nagkunwaring taga-DSWD

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2023 12:58 PM | Updated as of Mar 26 2023 05:16 PM

COURTESY: Justen Rosello Silguera
COURTESY: Justen Rosello Silguera

(3rd UPDATE) Tinangay ng isang scammer ang mahigit 50,000 pesos na nalikom na donasyon sana para sa mga sanggol na conjoined twins na kasalukuyang nasa ICU ng Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte.

Dalawang araw pa lamang mula nang ipinanganak ang mga bata.

Kuwento ng tatay nila na si Justen Rosello Silguera, marami ang nagbigay ng tulong matapos magpost sa Facebook ang kaanak nito tungkol sa sitwasyon ng kanyang mga anak.

Pero may isang lalaking tumawag at nagpakilalang taga-DSWD umano ito at hiningi ang one time pin (OTP) sa mobile wallet nito.

Ang kapalit, libre na ang operasyon ng bata at mabibigyan pa ng pinansyal na ayuda ang kanilang pamilya.

Pero pagkatapos mapadala ang OTP, hindi na muling ma-contact ang scammer.

“Aron mataagan daw mig kwarta gikan sa gobyerno pero pagkahuman, nasuyop na tanan. Dili na namo siya ma-contact,” ayon kay Silguera.

(Para mabigyan daw kami ng pera mula sa gobyerno pero pagkatapos, nakuha na lahat (ng pera). Hindi na namin siya ma-contact.)

“Mao na unta tong mga ipamalit namo og tambal, mga kinahanglan namo diria,” dagdag nito.

(Yun na sana ang mga ipapambili namin ng mga gamot, mga kailanganin namin dito.)

Ayon sa DSWD, makapagbibigay sila ng ayuda sa mga bata sa ilalim ng Assistance To Individuals In Crisis Situations (AICS) program nila. Sabado ng hapon, may taga-DSWD ang pumunta sa pamilya para malaman kung ano ang kailangan nila at sa kambal.

Sabi umano ng doktor sa kanilang pamilya, hindi rin siguradong maliligtas ang dalawang bata kung ooperahan ito dahil iisa lang ang puso ng kambal at mahina pa.

Nakita na nila sa ultrasound na dalawa ang ulo ng kanilang mga anak pero hindi inakalang iisa lang ang katawan nito.

Ang tatay lang ng mga bata ang nagtatrabaho bilang isang construction worker.

“Manawagan unta mi bisan ginagmay lang. Panggasto lang diria. Kay bisan piso wala na gyud mi,” ayon sa kanya.

(Mananawagan lang sana kami kahit magkano lang. Panggastos lang namin dito. Kasi kahit piso wala na kami.)

Nakatakdang maglabas ng pahayag ang DSWD tungkol sa mga gumagamit ng pangalan ng ahensya para manloko ng publiko.

Makikipagtulungan ang mobile wallet sa otoridad at kustomer para maimbestigahan ang nangyari. Muli rin nitong pinaalalahanan ang publiko na huwag i-share ang OTP at PIN para hindi mabiktima ng mga scammer.

-- Ulat ni Chrislen Bulosan
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.