Humingi ng paumanhin sa DENR ang isang mountaineer na umakyat sa ipinagbabawal na bahagi ng Mount Banahaw. Mga retrato mula sa Mt. Banahaw – San Cristobal Protected Landscape.
Humingi ng tawad sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa Mt. Banahaw – San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL) ang mountaineer na umakyat sa ipinagbabawal na lugar sa Bundok Banahaw na nasa pagitan ng Laguna at Quezon.
Personal itong sumulat kay Josephine Barrion, ang protected area superintendent ng MBSCPL at ipinaliwanag ang kanyang layunin na aniya ay nautusan lamang siya na kumuha ng tubig sa isa sa mga bukal o ilog sa bundok na pinaniniwalaan ng maraming mananampalataya na nakapagpapagaling sa mga karamdaman.
Ayon sa mountaineer, nai-post niya sa social media ang kanyang pag-akyat at nagawa lamang niya umano ito dahil sa sobrang saya na kanyang naramdaman ng muli niyang nasilayan ang ganda ng Bundok Banahaw makaraan ang 14 na taon.
Nakatawag pansin ito sa DENR at sa mga opisyal ng MBSCPL matapos mag viral ang post nito sa kanyang social media sa pag-akyat noong February 4, 2023.
Ayon sa DENR- MBSCPL, umani ng maraming pagpuna ang post dahil sa batid ng marami na hanggang sa kasalukuyan ay ipinatutupad pa rin ang pagbabawal sa pag-akyat sa mga strict protection zone sa mga lugar na nasa ilalim ng moratorium sa nasabing bundok batay pa rin sa Republict Act no. 947 o ang Mts. Banahaw –San Cristobal Protected Landscape at Act of 2009.
Base sa batas, nasa 24 na taon na ngayon na ibinagbabawal ang pag-akyat sa mga protected areas ng Mt. Banahaw at Mt. Cristobal para mapangalagaan ang kabundukan at maituloy ang rehabilitasyon nito na na nasalanta dahil sa mga walang habas na pag-akyat ng mga mountaineer bago pa nabuo ang batas.
Patuloy ang imbestigasyon ng DENR at MBSCPL at pinag-aaralan pa kung papatawan ng kaukulang multa ang mountaineer.
Ayon sa DENR-MBSCPL, sa Holy Week, inaasahan na naman na dadagsa sa Banahaw ang mga mananampalataya at mga mountaineer na nagnanais na makaayat sa itinuturing na Banal na Bundok.
Kaya panawagan ng mga ito na sumunod sa mga patakaran at bisitahin lamang ang mga lugar o tinatawag na “Puesto, Lugar Dalanginan, mga cultural at recreational areas na tanging itinatakda ng mga awtoridad na puwedeng puntahan.
Makakaakyat lamang sa mga protected areas na karamihan ay nasa itaas na bahagi ng bundok Banahaw kung may sapat na permiso mula sa DENR-MBSCPL.
May mga nakatakda pa rin anyang kaparusahan at penalty sa mga lalabag.
— Ulat ni Ronilo Dagos
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.