Arestado ang 4 banyaga dahil sangkot umano sila sa pagdukot sa isang negosyante. Larawan mula sa PNP-AKG
MANILA -- Inaresto ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP AKG) ang 4 na dayuhan na iniuugnay sa pagdukot at pagpatay ng isang Filipino-Chinese businessman na nangyari noong umaga ng Marso 18, 2023 sa Quezon City.
Matapos matanggap ang impormasyon mula sa pamilya ng biktima, nirespondehan ng mga operatiba ng PNP-AKG ang kanilang reklamo at agad na sinimulan ang imbestigasyon.
"May mga violence na ginawa doon. Pinutulan ng parte ng katawan... the torturing was documented and then sent to the family. So pinapadala po nila sa family 'yun para po magpadala po ng pera, itong mga nahuli po natin ay mga nag-receive ng ransom. Marami may GCash, may 2 separate na bangko, umabot tayo ng 1 million something na pautay-utay na pinroduce po ng family," ani PLt. Col. Ryan Manongdo ng PNP-AKG.
Gayunpaman, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at backtracking, ang kinidnap na biktima ay pinatay umano ng mga nanghuli sa kanya at itinapon ang kanyang bangkay sa Tanza, Cavite noong umaga ng March 22, 2023.
"Nung na-confirm na natin na yung tinapon na bangkay doon sa Tanza Cavite is the person na nine-negotiate ng pamilya, then doon na nagsimula yung intensity nung paghanap sa ransom taker naman po natin," sabi ni Manongdo.
Humingi ng tulong ang PNP AKG sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para sa pangongolekta ng mga kaukulang datos at impormasyon na makakatulong sa pagkakakilanlan at lokasyon ng mga posibleng suspek.
Noong hapon ng March 23, naglunsad ng operasyon ang PNP-AKG laban sa mga suspek na nasa likod ng kidnapping incident.
Sa pinagsamang operasyon ng PNP-AKG at Parañaque City Police Station, naaresto ng mga awtoridad ang tatlong Chinese matapos i-withdraw ang ransom money na idineposito sa kanilang bank account sa loob ng isang bangko sa Parañaque City.
Ang isa pang suspek na isang Vietnamese ang inaresto makalipas ang isang oras sa parehong araw sa Taguig City.
Ginamit ang bank account ng Vietnamese sa pagtanggap ng ransom money na idineposito ng pamilya ng biktima na nagkakahalaga ng P560,000.
Dinala sa AKG Headquarters ang mga naarestong suspek, kasama ang mga nakuhang gamit mula sa kanilang mga ari-arian para sa kaukulang disposisyon.
Ngayong Sabado pormal na ring kinasuhan ang 4 na foreigner ng kidnapping for ransom with murder.
— Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.