PatrolPH

Travel agency inireklamo dahil sa bogus umanong biyahe

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 02:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Isang taon na ang community quarantine sa Pilipinas kaya marami ang nagplano ng biyahe nang magluwag ang turismo.Pero masaklap kung ang pinag-ipunang pangbiyahe ay napunta lang sa wala.

Tila ganoon ang nangyari sa hindi bababa sa 15 tao na nagreklamong naloko umano online ng travel agency na Travel Zone Philippines.

Ayon sa isang biktima na si Jetley Pendon, nag-book siya ng paragliding sa Carmona, Cavite noong Enero 21.

Pero pagdating sa venue, sinabihan daw siyang hindi affiliated ang atraksiyon sa Travel Zone Philippines at napakamura din ng rate na inalok kina Pendon para sa paragliding.

"Then nag-promise po sila ng refund within the day, then after 7 days. Tapos nagalit na po kami kasi pinapaulit-ulit lang po kami. Ayun, binlock na po kami," sabi ni Pendon sa ABS-CBN News.

Nag-book din sa travel agency si Christopher Simbulan, na mula Bulacan, para sa trip packages papuntang Batanes, Boracay, at Palawan.

Nag-down payment sina Simbulan noong Hulyo 2020 at nabuo ang bayad noong Enero 2021 pero pagkatapos noon, saka nagkaproblema.

"Noong nakapag-full payment na kami, mahirap na po sila ma-contact at 'pag nako-contact na po namin, puro alibi po sila, na nasa island daw po sila," ani Simbulan.

Ayon sa Department of Tourism, hindi accredited ang Travel Zone Philippines at wala ring pending na mga papeles para sa accreditation.

Nang magsagawa naman ng inspeksiyon at surveillance ang lokal na pamahalaan ng Muntilupa sa address ng agency na nasa online account nito, napatunayang bogus o walang record ang Travel Zone Philippines sa kanila.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, may habol pa ang mga nagreklamo.

"But it's going to be more challenging... Kasi kung wala naman physical address or fake 'yong physical address niya, saan natin hahanpin diba? So 'yong kanyang IP address na lang sa computer," ani Castelo.

Pinayuhan ni Castelo ang publiko na bago magbayad sa travel agency, beripikahin muna ito.

Sa email ng nagpakilalang isa sa mga administrator ng Travel Zone Philippines, sinabi nito na nagbigay na sila ng refund policy at kung may nakaligtaan daw ay tatawagan nila ang mga kliyente kapag nakakuha na sila ng impormasyon.

Matapos ang ibinigay na araw para sa refund ng mga nagrereklamo, hindi na sila binalikan ng nasabing travel agency.

Hanggang ngayon, hindi pa sumasagot ang Travel Zone Philippines ukol sa iba pang reklamo laban sa kanila.

– Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.