PatrolPH

Mayor Isko binigyan ng awtoridad ang mga barangay na magdeklara ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 06:41 PM

MAYNILA — Pinirmahan ni Manila Mayor Isko Moreno noong Miyerkoles ang kautusang nagbibigay kapangyarihan sa mga barangay na magdeklara ng sarili nilang lockdown kontra pagkalat ng COVID-19. 

Sa ilalim ng Executive Order No. 12, awtorisado na ang barangay chairman na magdeklara ng lockdown kung may maitalang 10 o higit pang bagong kaso ng COVID-19 sa lugar.

Ginawa ito ni Moreno dahil mas nababantayan ng mga chairman ang kanilang mga lugar. Pero bago ipatupad ang lockdown, beberipikahin muna ng Manila Health Department (MHD) ang mga nai-report na kaso. 

Magbibigay din ng 2 araw na notice ang barangay chairman bago ang lockdown. 

Sa lockdown, papayagan namang lumabas ng bahay ang mga health workers, police at military personnel, at iba pang essential workers. 

Inatasan din ang Manila Police District para sa mahigpit na pagbabantay. 

Ngayong linggo, nasa 29 na barangay, isang kalsada, at isang cluster ang isinailalim sa lockdown na tatagal nang tig-4 na araw. 

Sa pinakahuling tala ng MHD noong Miyerkoles, umabot na sa 3,667 ang active COVID-19 cases ng lungsod.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.