PatrolPH

March 2021 physician exam topnotcher ibinahagi ang mga pagsubok sa pandemya

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 03:50 PM

March 2021 physician exam topnotcher ibinahagi ang mga pagsubok sa pandemya 1
Dr. Jeremiah Lim, topnotcher sa March 2021 physician licensure exam


MAYNILA -- Aminado ang March 2021 physician licensure exam topnotcher na si Jeremiah Lim na naninibago pa siyang tinatawag na doktor. 

Sa pagkamit ng tagumpay, aminado rin si Lim, isang scholar sa Far Eastern University Nicanor Reyes Medical Foundation, na may mga napagdaanan din siyang pagsubok habang nag-aaral sa kasagsagan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Kabilang na rito ang pagtumal aniya ng kita ng kaniyang ama, na nagtatrabaho sa isang bakery. Bukod pa ito sa pangangailangan niya na kumuha pa ng review classes. 

"Kasi nung nag-start ang pandemic humina ang mga tindahan namin. Ito lang ang main source ng income," ani Lim. 

"Sabi ko po parang 'yung gagastusin nila sa 'kin worth it na. Tapos ayoko na po na... 27 na ako, pakakainin pa nila ako. Kaya dapat po maipasa ko agad 'yung exam para madaling makapag-apply sa trabaho," dagdag niya. 

Watch more on iWantTFC

Kalauna'y nakamit niya ang tagumpay, at nang malamang topnotcher siya, at isa nang doktor, agad niya itong sinabi sa kaniyang mga magulang. 

"Akala ko nananaginip ako, sinabi ko sa magulang ko. Naiiyak sila sa tuwa... Lahat ng paghihirap ay nasuklian," ani Lim. 

Aminado rin siya na nakaramdam siya ng takot ngayong magtatapos siya sa harap ng pandemya 

"Natakot din po ako... pero kung wala kami, hindi kami kasama sa frontline, sino ang papalit sa mga doktor kung tatalikuran namin sila?" 

Ngayong doktor na siya, ibinahagi ni Lim ang kaniyang plano.

"Noong mga first year [sa] medicine [school] sabi ko gusto ko pumunta sa ibang bansa... pero nung tumatagal mas nakikita ko na ang dami po talagang kulang na doktor at naisip ko na hindi dapat ang pera ang una kong iniisip sa medicine kasi ang lagi nila sinasabi ang number 1 na priority ang service," ani Lim. 

Nagpasalamat din si Lim sa mga kaibigan, sa kaniyang mga magulang at sa kaniyang girlfriend. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.