PatrolPH

Curfew, liquor ban sa Davao City pinalawig hanggang Mayo 31

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 01:48 PM

Curfew, liquor ban sa Davao City pinalawig hanggang Mayo 31 1
Ipinatutupad ng mga pulis ang curfew sa Davao City para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa lungsod. Retrato mula sa Davao city government

DAVAO CITY – Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang liquor ban sa mga pampublikong lugar at curfew sa lungsod hanggang Mayo 31, 2021 upang patuloy na makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Base ito sa bagong executive order na inilabas nitong Miyerkoles.

Ayon kay Mayor Sara Duterte, ang pagtanggal ng curfew at liquor ay mange-engganyo lang sa ilang tao na magkaroon ng pagtitipon, na isa sa mga dahilan ng pagkalat ng COVID-19.

“Based on our experience dati, when we removed that during MGCQ [modified general community quarantine], nag-encourage siya ng mga people na magtipon,” ani Duterte.

Sa Marso 31 sana nakatakdang matapos ang liquor ban at curfew, na nagsisimula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Papayagan namang lumabas ng mga bahay sa panahon ng curfew ang mga may trabaho at negosyo sa mga oras na sakop nito, base sa kautusan.

Nasa 13,568 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Davao City.

Nitong Miyerkoles, 15 kaso ang nadagdag. Bago nito, walang bagong kasong naitala ang lungsod noong Lunes.

Sa kabila ng tila pagbaba ng mga bagong kaso sa Davao City, patuloy umanong maghihigpit ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng health protocols.

– Ulat ni Hernel Tocmo

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.