PatrolPH

Bayan ng Roxas sa Isabela, isinailalim sa state of calamity dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 08:10 PM

Bayan ng Roxas sa Isabela, isinailalim sa state of calamity dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 1

Inilagay sa state of calamity ang bayan ng Roxas sa lalawigan ng Isabela bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
 
Ito ay alinsunod sa Resolution Number 21-020 ng Sangguniang Bayan, na inaprubahan ni Mayor Jonathan Jose Calderon.
 
Sa huling tala ng lokal na pamahalaan, nadagdagan pa ang aktibong kaso ng COVID-19 na ngayon ay nasa 162 na.
 

Posible pa itong madagdagan kapag lumabas na ang resulta ng 83 suspected case. Patuloy rin ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.

Batay sa datos ng Roxas Inter-Agency Task Force, umabot na sa “critical” ang epidemic risk classification ng bayan noong Marso 17.
 
Umakyat din sa 441.7% ang change growth sa mga kaso simula Pebrero 17, kung saan nagkaroon ng average daily attack na 7.03 sa kada 100,000 bilang ng tao o populasyon.

Una na ring isinailalim sa General Community Quarantine ang bayan kung saan ipinatupad ang zoning containment strategy sa 16 na barangay. 

Magtatagal ang implementasyon ng GCQ hanggang March 27.

Sa pamamagitan naman ng state of calamity, magagamit ng lokal na pamahalaan ang quick response fund para sa kinakailangang hakbang upang matugunan ang banta ng COVID-19. 

- Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.