PatrolPH

Amang nanghalay umano ng 9 anyos na anak patay matapos 'manlaban'

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 07:37 PM

MERCEDES, Camarines Norte — Patay ang isang lalaki sa bayan na ito matapos umanong manlaban sa mga pulis matapos siyang arestuhin dahil sa panghahalay sa kaniyang 9 anyos na anak. 

Nangyari ang insidente noong Miyerkoles sa bahagi ng Cory Aquino Boulevard sa Barangay San Roque, Mercedes habang nasa loob ng police mobile ang 45 anyos na ama.

Ayon sa pulisya, biglang nakipagbuno ang suspek at hinablot ang baril ng katabing babaeng pulis pero agad nakabuwelo ang ibang pulis at 2 beses binaril ang lalaki. 

Dinala pa sa Camarines Norte Provincial Hospital ang suspek pero idineklara na itong dead on arrival.

Sa ulat ng pulisya, nagsimula umano ang panghahalay ng ama sa kaniyang anak noong Pebrero. 

Nabisto daw mismo ng mga tanod ang panghahalay at sinumbong ito sa pulisya.

–Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.