16 miyembro ng BIFF patay, 25 iba pa sugatan sa bakbakan sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2021 09:30 PM

16 miyembro ng BIFF patay, 25 iba pa sugatan sa bakbakan sa Maguindanao 1
Larawan mula sa 6th Infantry Division.

Labing-anim na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi at 25 iba pa ang sugatan sa bakbakan sa pagitan ng grupo at ng militar sa Maguindanao mula Marso 18 hanggang Marso 23.

Sugatan din ang tatlong sundalo.

Nagsimula ang bakbakan sa Datu Saudi Ampatuan at umabot sa mga bayan ng Shariff Aguak at Guindulungan.

Bagama't humupa ang putukan, hindi pa rin nakakabalik sa kani-kanilangn tirahan ang mahigit 12,000 indibidwal o mahigit 3,000 pamilya na lumikas. 

Sa rekord ng 6th Infantry Division, pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa itinayong evacuation centers.

Ilang residente rin ang lumikas mula sa bayan ng Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha at Mamasapano.

Sa panayam sa tagapagsalita ng BIFF Karialan faction na si Abu Jihad, sinabi niya na tutol sila sa itinayong outpost ng Joint Peace and Security Team sa barangay na kinabibilangan ng mga miyembro ng pulis, militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Simula nang isagawa ang clearing operasyon, ayon kay 1st Mechanized Brigade commander Col. Pedro Balisi, napasakamay nila ang dalawang 5.56 mm converted rifles at isang homemade 12-gauge shotgun.

Nadiskubre rin ng militar ang apat na improvised explosive devices, tatlong unexploded ordnances, tatlong handheld radios, mga dokomento at iba pang personal na kagamitan ng BIFF.

Nauna nang sinabi ni MILF Bangsamoro Islamic Armed Forces spokesman Von Alhaq na ang pagpapatayo ng JPST outpost sa lugar ay bahagi ng nilagdaang kasunduan ng gobyerno at MILF.

Nagpaabot na ng relief goods ang Bangsamoro government sa mga apektadong residente.

Nagsagawa rin ng medical mission ang lalawigan ng Maguindanao, at namahagi na rin ng tulong ang local government unit sa mga bakwit.

- ulat ni Lerio Bompat

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC